Sabado, una sa tatlong-araw na walang pasok. Gawa ng magandang performance noong January, nag-treat ang kumpanya para sa isang pananghalian dito sa Restaurant 360.
Ang restaurant na ito ay hindi na bago, isa itong sikat na kainan noong kasagsagan ng 80’s, nagsara at ni-revive lang nitong nakaraang taon. Isa ang building na ito sa mga unang itinayo at kilalang-kilalang “icon” dito sa Saipan noong 1980 at hanggang ngayon. Nasaksihan ko ang maraming pagbabago sa building na ito, mula sa dating luma hanggang sa bagong pamumuno ng nakabiling Dutch, bagong pintura sa loob at labas, ang malalaking tiles, mga disenyo sa harapan at maging ang mga elevator ay bago na rin. Ang dating pangalan na Nauru Building ay pinalitan at ginawang Marianas Business Plaza.
Dito matatagpuan ang opisina ng Konsulado ng Pilipinas at mga ahensiya'ng kaakibat nito tulad ng Philippine Oversease Labor Office (POLO), Philippine Workers Resource Center, narito din ang ibat-ibang opisina ng seguro, accounting, cable, mga abugado at iba pa.
Sa totoo lang, pangalawang beses ko nang kumain dito, ang una ay noong nag-dinner kaming mag-anak para ipagdiwang ang anniversary at nataong “soft opening” at hindi pa masyadong usap-usapan ang lugar na ito.
Nagkita kami sa parking ng mga kasama sa trabaho, nadatnang naghihintay narin ang ibang kasamahan at huling dumating sila "boss".
Ang mga kawani ay mababait at palabati, sila ay binubuo ng mga Micronesians, mayroon ding Ruso at siyempre mga Pinoy mula sa loob ng kusina at hanggang sa labas.
Nag-order ako ng special lunch na “Caesar Salad with grilled Chicken” dahil hindi ko naman intensyon na magpakabundat dahil umpisa na naman ng Football Season. Ang kanilang salad ay sariwang lettuce na may dressing at binudburan ng Parmesan cheese. Ang isang kasamahan sa opisina ay nag-order ng “Fettuccine Alfredo” at dahil generous ang serving, naghati kami sa pagkain, binigyan ko siya ng salad, nagshare naman siya sa pasta.
Unang dumating ang cream soup at nang nagsimulang magdatingan ang mga order na main course, ang bawat isa'y kumain habang nagku-kuwentuhan. Lalong nagpabusog ang kanilang icetea na bottomless.
Nasa ikawalo at huling palapag at ano ba ang misteryo’ng nasa likod ng resto na ito. Kaya tinawag itong Restaurant 360 ay dahil may kakayahang umikot ng 360 degrees, dahan-dahan, masisilayan sa kinaupuan ang pabago-bagong view dahil nga umiikot kasama ang lamesa’t kinauupuan. Maaliwalas ang paligid, napapalibutan ng malalapad na salamin kung kaya’t tanaw ang mga ibat-ibang view sa labas . Ang kompletong pag-ikot ay inabot ng 45 minuto ng hindi namamalayan at dahil paiba-iba ang view, napagkatuwaang magkuhanan ng mga larawan.
Matapos ang masayang pananghalian, naghiwa-hiwalay at nagtungo sa kanya-kanyang destinasyon, dumaan sandali sa bahay, kinuha ang mga gamit at pumaroon sa Southern High, ang "home court" ng IFC kung saan gaganapin ang umpisa ng Football para sa season na ito.
February 16, 2008
Restaurant 360
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
My two favorites: Ceasar salad with grilled chicken and Fettucine Alfredo. So far Friday's here in Manila serves the best that I've had.
Mukhang maganda ang restaurant na 'yan lalo na siguro sa gabi.
Thank's for visiting Senor! It's romantic at night, in contrast, more scenic at daytime.
I will try Fridays in June.
reminds me of the revolving restaurant in hongkong
Post a Comment