March 26, 2008

Managaha Island Adventure Part 2

Lusong Na Tayo!


Halika na, lulusong na tayo! bigkas ni Mr. Nato, medyo may current pero OK lang. Excited at medyo may pangamba, ininspection ang mga gamit, sinimulan kong isuot ang mga kagamitang panisid, inuna ang wet suit, isinunod ang BCD na may tangke ng hangin, at ang sinturon na may pabigat na tingga. Bitbit ang mask, snorkel at fins, naglakad kami patungo sa may pampang. May kabigatan din pala ang mga ito at kailangan balansehin ang paglakad upang hindi matumba at maging katawa-tawa sa daraanang mga turista. Nang naroon na kami, ipinaala ni Mr. Nato ang mga sinyales, papaanong alisin ang mga tubig na papasok sa mask at sa regulator, mag-equalize kung masakit sa tenga, sumunod at panatiliing malapit sa kanya at palagiing humawak sa lubid na magiging gabay namin habang binabaybay ang ilalim ng dagat.

Ang dive site sa isla ay sistematiko, mayroong mga lubid na inihanda sa ilalim ng dagat upang maging gabay para sa mga nais matutong magdive. Nakapalibot ito sa mga daraanang corrals na makikita sa kabuoan ng kuwento.“Sige isuot mo na yang mask, at subukan mong huminga gamit ang regulator at isuot mo na yang mga fins” sabi niya. Sapagkat ga-baywang ang lalim ng tubig at medyo malikot ang dagat, at dahil kailangan dumukwang, nahirapan akong isuot ang mga fins subalit hindi naman naging problema ito dahil maagap naman si Mr. Nato sa pag-tulong. Pero sandali, nakakahinga na ako sa ilalim ng tubig! Hmm, ganito pala to! Sa isip isip ko.Nang masigurong ayos na ang lahat, sinimulan naming baybayin ang ilalim ng dagat, unti-unti, palalim ng palalim, nasa unahan ko si Mr. Nato.

Maganda ang sikat ng araw kung kaya’t tumambad ang tila malasinehang telon na kulay asul na nahahati ng puting buhangin. Patuloy ang senyas ni Mr. Nato kung OK ako, pero sa aking palagay ay wala naman akong naencounter na problema, pati ang unti-unting paglalim at ang pag-equalize. Sa dahilang laking Subic Bay, hindi mahirap para sa akin ang pagkilos sa ilalim, hindi nga ba't nakikipagpaligsahan ako sa mga kababata sa pagkuha ng buhangin sa may malalim na parte ng dagat o dili kaya’y sisisid sa ilalim ng basnig papunta sa kabilang katig. Ang paligid ay unti-unting nagbago, mula sa buhanginang bahagi ay tumambad ang mga corals, biglang sumulpot sa aming harapan ang dalawang makulay na Butterfly fish, hindi na kami iniwan nito hanggang sa kabuuan ng pagsisid. Sumunod na rin ang pagdating ng mga ibat-ibang uri ng isda na may ibat-ibang kulay. Nasilayan ko rin ang ibat ibang hugis ng corals na para bang palaruan na ng mga isda dito. Bigla akong nagulat nang sumulpot sa kung saan ang dalawang malaking “Talakitok” (Trevallies / Jacks Family Carangidae) na sa tanang buhay ko ay noon ko lang nakita ng ganoon kalaki at buhay sa malapitan. Sinundan pa ito ng isdang “Wahoo” (Acanthocybium solandri) sa unang tingin ay parang Barracuda. Di nga bat ang barracuda as isa sa mga agresibong isda at bigla na lamang itong sumasalakay at mabilis. Pero salamat na lamang at hindi ito ‘yon. Napansin ko na kaya pala parang tuliro ang maliliit na isda ay dahilan ng pagdating nang malalaking isdang tulad nito. Si Mr. Nato ang mga kumuha ng larawan ko, sa isang banda, nakakatawa mang isipin, mas pinagdasal ko pa na maganda ang kalabasan ng mga composisyong kuha niya kaysa sa kahit anong kapahamakang abutin namin sa ilalim ng dagat. Bakit nga ba?.. sa ganito kagandang karanasan sino ba naman ang hindi manghihinayang kung mapupunta lamang sa wala ang mga ito.

Ganito pala sa ilalim ng dagat, kamangha-mangha ang tanawin. Ang mga corals na nabuo nang kung ilang daang taon, sari-saring kulay, halamang dagat, mga sigay at kabibe na ibat-ibang hugis, mga isda na ibat-ibang anyo ay may mga kanya-kanyang character na ginagampanan. Katulad din sa ibabaw, mayroong lugar na patag, may paahon, mayroon ding burol.

Si Dive Master


Si Mr. Nato ay isang batikang maninisid dito sa Saipan. Ang kanyang mga karanasan ay hindi rin basta mapaparisan. Ayon sa kan'yang kuwento, dati siyang aktibo sa Philippine Navy at katulad ng mahigit na isang milyong Pilipino, piniling mangibang bayan dala ng pangangailangang hindi kayang ibigay o malasap man lamang sa tinubuang bansa. Hindi na rin bago sa kanya ang mga tanyag na diving site sa Pilipinas na katulad ng Tubattaha, Apo Reef sa Mindoro, Kalayaan Islands, sa Palawan at iba pa. Sa 27 kumuha ng kurso ng Master Diver sa lokal na kolehiyo dito, isa siya sa pitong pumasa at ito ang kan’yang naging hanapbuhay kung kaya’t panatag ang aking kalooban sa kanyang karanasan pagdating sa diving. Matapos ang ilang shots, kinuha ko ang camera sa kanya at sa tamang pagkakataon, ako ang photographer…..sa kauna-unahan sa ilalim ng dagat. Mabuti na lamang at nakabili ako ng underwater disposable camerang gawa ng Fuji nang gabi bago ang araw ng diving at sulit din naman kahit mayroon lamang itong 27 shots at medyo may kamahalan ($22.00 hindi pa kasama ang developing). Isa ring dahilan kung bakit naisipan kong magdive ay para na rin sa karagdagang kaalaman sa photography. Kung mayroon pang pag-kakataon, nais kong ipagpatuloy at palawigin ang karanasang ito sa pamamagitan ng “Underwater Photography”, isa sa specialty na mayroon ang NAUI pagkatapos ng Scuba Diver Course. Medyo nahirapan ako ng kaunti sa pag-set ng shots sa kadahilanang kailangan ang timing, posisyon ng subject, mga isda at ang hila ng current upang makagawa ng magandang composisyon. At dito, hindi kailangang bumilang ng "one, two, three" bagkus ay senyas lang ang tanging kumunikasyon.Makikita sa lawarang ito si Mr. Nato kasama ang parada ng grupo ng mga isdang Sergeant Major. Natiyempuhan ko ring kuhanan ang dambuhalang Talakitok na ito kasama siya. Inabot ng 25 minuto ang unang dive, bagamat maikling panahon lamang ang ginugol sa ilalim ng dagat, para sa akin ay napakatagal na noon at sulit naman ang saya at kakaibang karanasan pag-ahon sa pampang.
Ang ganda! Ito ang unang katagang lumabas sa aking bibig pag-alis ng regulator. Pagkatapos magligpit at mag-anlaw at sapagkat medyo maginaw, naisipan muna naming magkape habang nagpapahinga. Lusong ulit tayo kung gusto mo pa”, ani Mr. Nato.

Pangalawang Dive

Alas 10:30 ng umaga nang sumisid kami sa pangalawang pagkakataon. Sa mga oras na ito, nabura na nang magandang karanasan ang mga pag-aalinlangan at mga takot sa aking isipan. Pagsenyas ng OK, lumusong kami ulit. Wala na rin kaming camera dahil naubos na sa unang dive ang lahat ng 27 shots, at hindi ko naman inaasahang papalusungin ako ulit ni Mr. Nato, balato nalang ito kung baga. This time, para bang namasmasyal nalang kami sa ilalim ng dagat, nagtungo kami sa mas malalim na parte at dito, hindi na kami kumakapit sa lubid hindi gaya nang nauna. Nilapitan namin ang isang malaking bilog na corals na para bang bolang binalutan. Malapitang pumaroon sa burol na may kumpol-kumpol na corrals at hitik sa makukulay na isda. Nakakita ako ang ibat-ibang klaseng yamang dagat tulad ng Lapu-lapu, Clown Wrasse, Mameng at Pugita. At sa di kalayuan, isang page o Eagle Ray ang nanginginain sa may buhanginang malapit sa lubid pabalik. Dahan-dahan kaming lumapit sa lugar ng bahagya at pinanood ang ginagawa ng Eagle Ray na ito. Habang pabalik hawak ang lubid na giya, may napansin akong kumislot sa buhanginan, inakala ko kung ano pero kung titignan ng malapitan, hindi mo mapupuna ang nilalang na ito na kung tawagin sa amin sa Subic ay “darapa” o Peacock Floundern sa wikang Ingles na humahalo ang kulay sa buhanginan. Ang darapa ay isang uri ng isda na mayroong kakaibang katangian, flat ang hugis na tila napatungan ng mabigat na bagay kung kayat ang mga mata ay nakalagay sa panig ng kaliwang pisngi malapit sa ulunan. Nakapanghihinayang dahil wala na kaming camera sa panahong ito. Ang mga huling larawan ay kuha noong naunang dive.

Natapos ang huling dive at inabot rin ng 30 minuto na may lalim na isang mataas na poste, ibang karanasan na naman itong hindi malilumutan. Matapos ligpitin ang mga gamit, naghanda na kami sa pag-uwi, naghintay ng speed boat sa pantalan na mga kaibigan din ni Mr. Nato ang kapitan at di nagtagal, binaybay ang lagoon pabalik sa isla ng Saipan kasabay ang turistang mag-anak na Hapones na galak na galak sa bilis ng bangka at talamsik ng tubig dagat.

Habang papalayo sakay ng speed boat, tinanaw ko ang isla ng Managaha, makailang ulit na rin akong nagawi dito subalit sa pagkakataong ito ngayon ko lang natanto ang kanyang angking ganda….mula sa itaas, sa gitna, hanggang sa ilalim ng dagat. Mula sa asul na kalangitan at mga ibong lumilipad, ang mga puno’t halaman, pinong buhangin, makulay na bahura, at ibat-ibang yamang dagat. Sumagi din saking isipan na sa kabila ng mga natural na kagandahang ito, nariyan pa rin ang mga banta sa kapaligiran na nagaganap ngayon at sa darating na panahon. Ang isla ng Managaha ay isang tuldok lamang sa mas malaking usapin ng kapaligiran. Subalit maliit man o malaki, ang mga problema ay parehas din ang pinagmumulan at kung hindi kikilos ang tao kung paano haharapin ito, magpapatuloy ang mga banta at malamang mapunta sa mas malaking suliranin sa hinaharap.

At kung magkaroon man ako ng pagkakataong ulitin ang mga karanasang ito, huwag ko sanang datnan na kalahati na lamang ang natitira sa kapiraso'ng islang ito o ang aking pangambang sa mga larawan at ala-ala na lamang maaaring balikan ang isla ng Managaha......
















No comments: