February 19, 2008

Turon at Ladder Beach

Nagluto si Beck ng turon, sabi niya napanood niya daw sa TFC kung ano ang ingredients at paano lutuin ito. May saging at nilagyan langka, binalot ng wrapper at pinagulong sa asukal. Whoala! Instant meryenda.
Tamang-tamang pang-alis ng umay sa mga nagaganap na eskandalo ng pangungurakot sa Pilipinas.

Sa totoo lang, masarap naman at marami akong nakain.

Matapos magmeryenda ng turon, nagpunta kami sa timog na bahagi ng Saipan, dito sa Ladder Beach.

Isang tago at maliit na "cove" beach ito, napapalibutan ng mataas na cliff na nakaharap parteng silangan ng karatig isla ng Tinian. Ang kongkretong hagdanan ay may kalumaan na, subalit malaking tulong ito para sa mas madaling pagbaba mula sa itaas ng bangin.

May mga kweba na parang nagsilbing bahay ng mga naunang tao. Mayroong malawak, mayroon din namang maliit at magandang silungan sa mga gustong mag-picnic. Sa kabila ng mga naglalakihang bato na ito ay ang mataas na bangin na humaharang sa kabilang parte ng cove.

Malinaw ang tubig, maraming isda, maraming umang, kita ang mga bato sa ilalim subalit mapanganib maligo dahil "open sea" ang nasa harapan at ang current sa parteng ito ay pabago-bago. Makailang beses na ring nabalita ang lugar na ito sa mga taong tinatatangay ng malalaking alon.

Mayroong malalaking bato na tila parte ng natibag na lupa dala marahil ng alon sa tinagal ng panahon. Hindi pinong buhangin kundi mga durog na corals at mga shells ang matatapakan. Matatalas ang corals kung kaya't kailangan ang ingat sa paghakbang.


Sa isang banda, ang gilid ng bangin na parang nililok ay nagsisilbing sagisag kung gaano kahenyo ang kalikasan sa paglikha ng obra sa pamamagitan lamang nang alon, hangin at paglipas ng panahon.