Sa hinaba-haba ng panahong pagtatrabaho dito sa Saipan, isang prebelihiyo dito ang makasalamuha ang ibat-ibang tao sa mundo. Kung iyong susuriin, maliit lamang ang islang ito na binubuo ng humigit-kumulang ng 55,000 populasyon subalit halos lahat na yata ng mamamayan sa mundo ay mayroong representante at dito matatagpuan.
Mula sa mga lokal na Chamorro at Carolinian, umpisahan natin sa mga karatig islang tulad ng Guam, Palau, Pohnpei, Yap, Kosrae, Chuuk, Mashall Islands, Hawaii at Samoa. Ang mga taga North America at South America ay narito din na galing sa Canada, mainland USA, Mexico at Peru. Sa Europa naririto ang Russian, Spanish at mayroon ding Italian, may mangilan-ngilan ding Afrikano. Sa panig naman ng kontinente ng Asia, nariyan ang mga Pilipino, Indians, Nepales, Thai, Malaysian, Indonesian, Pakistani, Sri Lankan, Vietnamese, South Koreans at ang mga Chinese.
Binasag ng malalakas na paputok ang katahimikan ng gabi. Nagising kaming lahat at biglang bumalikwas sa pagkakahiga at sumilip sa bintana, pinunit ng maliwanag at ibat-ibang anyo ng kwitis ang dilim ng kalangitan sabay kabog ng mga paputok.
Bagong taon na naman nga pala ngayon!
Oo, nanaman! Sapagkat nauna nang ipinagdiwang ang bagong taon noong January 1 at dahil sa malapit kami sa mga lugar ng mga Tsino dito at abot tanaw lamang ang mga pagawaan ng damit (garment factory) na nakapalibot ang mga tahanan ng mga Intsik, sa aking palagay ay kasama na rin kami sa okasyon upang ipagdiwang ang February 07.
Isang malaki at mahabang okasyon ang Chinese New Year dahil dalawang linggo itong pagsasaya at pinakaimportanteng okasyon upang magsama-sama ang pamilya. Ayon sa tradisyon ng mga Intsik, ang unang araw ng bagong taon ay ang pagtanggap sa mga “supernatural beings” ng kalangitan at sa lupa na pinaniniwalaang makapangyarihan, sinasamba at sagrado na kaugaliang sinasalubong ng malalakas na paputok. Mayroon din silang paniniwala na ang paggamit ng kutsilyo o ano mang matatalas na bagay ay may katapat na malas sa bagong taon, dahilan upang ang mga pagkaing ihahanda ay iniluluto o kinakain bago ang araw ng okasyon at ang importante sa lahat ay ang pagbisita sa mga pamilya lalo na sa mga magulang at mga matatanda.
Nagkaroon ng “lion dance” sa factory, sabi ni Marissa. Naroon ang pamilya ng kanyang boss na galak na galak at umaasa sa bagong taon. Ang pamilya ay nag-imbita ng “lion dance” bilang simbolo upang itaboy ang mga masasamang elemento sa palibot at ang mga miyembro ng pamilya na may asawa ay nagbigay ng pulang sobre (humbao) na kalimitan ay naglalaman ng pera para sa mga nakababatang miyembro ng pamilya. Sa ganitong okasyon, umuulan ng “pulang sobre” para sa mga kawani.
Pumunta sa “Thursday Market” at doon napagpasyahang ipagdiwang ang Chinese New
Year sa simpleng hapunan. Ang Thursday Market ay puntahan ng mga lokal, Pinoy, at mga turista upang manood ng mga programang pangkultura dito. Nasa sentro mismo ito ng mga establisyementong nag-uugnay sa turismo.
Dito, parang maliit na tiyangge, maraming stalls na pwedeng bilhan katulad ng mga damit, souvenir, parol at iba pa. Higit sa lahat ang maraming kainan na pwedeng pagpilian na ayon sa iyong panglasa, mayroong pagkaing Chinese, Thai, Italian, Chamorro, barbeque, at hindi rin pahuhuli ang mga pagkaing Pilipino. Ang halimuyak ng mga pagkaing ito ay nagpapatingkad sa karakter na ginagalawan ng bawat mamamayan dito sa Saipan.
Maraming tao ngayon , naglipana ang mga Tsino at mga Koreano, napagpasyahang kumain sa Thai House ang regular na kinakainan dito sa Thursday Market. Sapagkat kakilala na ang mga kawani dito, ang mga turingan sa isat-isa ay hindi na iba.
Pinagsaluhan ang simpleng hapunan na pritong Tilapia na mayroong masarap na sawsawan(isda ang swerte sa tradisyon ng Chinese), Spring Rolls (kahalintulad ng lumpia), barbeque, labong at maanghang na sitaw.
Year of the Rat
Ang pagkakasusunod-sunod ng 12 hayop alinsunod sa Chinese astrology ay ang Daga, Baka, Tigre, Kuneho, Dragon, Ahas, Kabayo, Tupa, Unggoy, Tandang, Aso at Baboy. Kung bakit daga ang nanguna sa 12 hayop na nasa calendaryo at kahalintulad ito ng istoryang pangbata.
Ayon sa kuwento ng mga Instik, namili ang diyos ng pangalan ng kalendaryo ayon sa pangalan ng 12 hayop. Iniutos niya na magkaroon ng karera ng mga hayop upang malaman ang mga pagkakasunod-sunod nito. Nang parating na ang araw ng paligsahan, ang pusa ay nakalimot ng oras at tinanong ang daga kung ano ang oras ng paligsahan. Sadyang ibinigay ng listong daga ang maling oras. Ang tusong daga ay kumapit sa sungay ng baka habang patawid ng ilog, at tumalon malapit sa gilid upang marating ang huling yugto ng paligsahan ng nangunguna sa lahat.
Hindi nakasali ang pusa sa karera at sumumpang pupuksain ang daga sa mga darating na henerasyon dahilan marahil ng palaging paghahabol ng pusa sa daga hanggang ngayon.
Ang mga numerong “odd” ay Yang at ang numerong “even” ay Yin. Samakatuwid, ang Rat, Tiger, Dragon, Horse, Monkey, Dog ay Yang (lalaki) na mga hayop. Samantalang ang Cow, Rabbit, Snake, Sheep, Chicken at Pig ay “Yin” (babae) na mga hayop.
Sa kasabihan ng mga Intsik, ang mga pagkakasunod-sunod ng mga hayop sa kalendaryonay mayroong kaugnayan sa mga daliri at paa ng mga ito. Ang Tigre, Dragon, Unggoy at Aso ay mayroong limang daliri o kuko. Ang kabayo ay may isang "toe". Ang baka, kuneho,Tupa, Tandang at Baboy ay may apat na daliri o kuko. Ang ahas ay walang paa subalit mayroong itong mala-tinidor na dila. Ang daga ay mayroong apat na daliri sa harap na paa at limang daliri naman sa likod na paa.
Ayon na rin sa Chinese Astrology, 2008 ay ang taon ng “Male Brown Rat”. Ang kulay kayumanggi ay kakulay ng lupa o “earth” sa teorya ng “Five Elements” na binubuo ng “metal, “water”, “wood”, “fire”, at “earth”. Ang pangunahing elemento ng “Rat” ay tubig. Ang “earth” ay kabaligtaran ng “water”. Ito ay mayroong magkatunggaling relasyon at ang sanhi nito ay mahirap para sa dalawang elementong ito na pagsamahin.
Kung ang iyong suwerteng elemento ay “earth”, kung gayon ang “water” ang iyong malas na elemento. Kabaligtaran naman na kung ang iyong suwerte ay “water”, ang iyong hindi magandang elemento ay “earth”.
Kung ang “earth” o kaya’y “water” ang kahambing ng iyong “Money Star”, ang swerte daw sa pera sa taong 2008 ay “money comes, then money goes” or “money goes, then comes”.
Kung ang “earth” o kaya’y “water” ang “Career Star”, ang mga pagkakataon sa mga oportunidad ay darating ng maaga or dili kaya’y sa bandang huli ng 2008.
Kung ang “earth” o kaya’y “water” ang sumisimbolo ng kalusugan, kung ganon ang kalusugan daw ay hindi kagandahan at hindi rin naman masama, subalit magiging kabaligtaran sa mga huling araw ng taon.
Ang suma nito, sinasabi na “mayroong panalo”, at “mayroon ding namang talo”. Fifty-fifty chances kumbaga!
Nakakatuwa, ibat-ibang kultura at paniniwala, ngunit iisa lamang ang mensahe nito, ang magpakabuti habang nabubuhay sa mundo.
February 13, 2008
Chinese New Year at Thursday Market
Subscribe to:
Posts (Atom)