February 2, 2008

Chopchopter Ride!

Naaalala ko na mag-aapat na taon palamang din si Erico at ito ang bigkas niya kapag nakakakita ng sasakyang panghimpapawid. Chopchopter!

Napagpasyahang huwag lumabas ng bahay para sa Sabadong pagpapahinga, mag-aalaskwatro na ng hapon nang mag-ring ang aking cellphone. “Partner… gusto nyo’ bang mag-riding ngayon?.., mayroong bakante para sa dalawang tao” banggit ni Noel. Datapwa’t atubili at wala namang ginagawa sa mga oras na iyon, kaagad na nagpasya’t gumayak para sa madaliang gimmick. “O sige mag-kita nalang tayo diyan sa may barbequehan sa kanto malapat sa inyo at susunduin ko lang yung dalawang pasahero.”

Di nagtagal, dumating si Noel kasama ang dalawang turistang Intsik na taga Taiwan na sinundo pa sa Hyatt Regency, at matapos ang maikling batian, tumungo kami sa hangar at paliparan ng helicopter na siya ring opisina ng Americopters.

Si Noel ay regular na kalaro sa tennis, sa tinagal-tagal na nakakalaro, wala pang pagkakataon na natalo ko siya kahit man lamang sa isang set. Matagal nang kakilala at kaibigan na nagtatrabaho bilang isang mekaniko sa isang kompanya ng mga sasakyang panghimpapawid (helicopter). Makailang beses na siya’nag-imbita sa mga ganitong adventure subalit makailang beses ko na ring tinanggihan ang kanyang mga pag-anyaya sa ibat-ibang kadahilanan.

Ang single Bell Jet Ranger II sa sasakyan namin ay gawa sa Estados Unidos na kayang maglulan ng hanggang limang katao. Ang biyahe ay sa palibot lamang ng buong isla ng Saipan na aabutin ng di lalampas ng 30 minuto. Makailang beses na rin akong nakasakay sa pangcommercial na mga sasakyang panghimpapawid tulad ng PAL at Freedom Air sa malapitang biyahe, at ang mga dambuhalang Continental at Nortwest para sa pang-international. Sa sandaling ito, walang advance booking, walang reservation, walang pila, walang baggage check-in. Matapos ang mga pagkuha ng mga larawan at maikling instruction, di nagtagal ay sinimulan ng piloto’ng paandarin ang makina at naramdaman kong nanginig ang paligid at unti-unting bumilis ang elisi at sa labas ay nakita kong nahawi ng malakas na hangin ang mga sanga ng puno. Bago pumailanlang, nakita kong nagsenyas na pa-krus ang loko’ng si Noel habang nakatingin sa amin’g lahat. Sa pagkakataon’g iyon, nagkrus na rin ako at bakit naman hindi.

Ito ang kauna-unahang pagsakay naming mag-ama sa helicopter, bagamat mayroong pag-aalinlangan, ang pag-atras sa huling pagkakataon ay wala nang puwang dahil nagsimulang pumailanlang ang helicopter sa himpapawid at sinimulan ang biyahe paikot sa isla.

South

Mula sa itaas, una kong nasilayan ang katimugang bahagi ng isla ng Saipan na aming pinagmulan, ang village ng Koblerville. Natanaw ko ang lawa ng Susupe at mga karatig pook na nakapalibot dito tulad ng Chalan Kiya, Chalan Kanoa at Chalan Piao, ang lawa ay may lawak na 202 hectares na pinamamahayan ng mga ibon na protektado ng gobyerno. Ang lawa ng Susupe ang pinakamababang lugar sa isla ng Saipan at ito ay pinaniniwalaang sanhi ng isang “sinkhole”. Ito at ang latian ay binubuo ng pinakamalawak sa Saipan na habitat o tirahan ng nga ibong matatagpuan lamang sa paligid nito na karamihan ay “engangered especies”.

East

Matapos ay dahan-dahang binaybay ang silangang (east) bahagi papuntang hilaga (north). Sa bandang kanan, nadaanan namin ang Lao-lao Bay na pamosong lugar para sa mga “divers” dahil sa likas na kagandahan nito sa ilalim ng dagat. Ito rin ang view sa harapan ng helicopter, makikita ang piloto ang babaeng turistang Instik na galak na galak sa "sightseeing". Nalaman ko na isa ring pala siyang piloto na nag-aaral pa lamang. Si Erico naman na nakaupo sa gitna ay tuwang-tuwa din sa karanasan.









Hinahati ng nga kongkeretong daan na ito ang berdeng bundok na nagsasanga sa mga village ng Papago, Kagman, at Sta. Lourdes. Sa bandang unahan ay abot-tanaw ang mga tanawin sa bandang hilaga ng isla kung saan matatagpuan ang mga magagandang tanawin na kinagigiliwan hindi lamang ng mga dayo, pati na rin ng mga lokal.

Ang mga batuhang gilid na ito ang nagsisilbing depensa laban sa mapamuksang alon at lakas ng dagat samantalang ang berdeng kapaligirang ito ay matatagpuan ang Lao-lao Bay Golf Course. Sa kabilang banda naman ang pampang malapit sa Sta. Lourdes. Matatagpuan sa bandang ito ang Hidden Beach, isang tahimik na beach malapit sa Old Man By The Sea na mapupupuntahan lamang sa pamamagitang ng pag-hike sa makapal na kahuyan.











North

Patungo sa hilaga ng isla ay masisilayan ang Bird Island, at ang pangatlo sa pinakapopolar na diving spot sa BUONG MUNDO, ang Grotto. Bagamat ako’y nagsisimula palang sa pag-dive, ang grotto ang pinaka-aasam-asam kong marating sa lahat ng magagandang diving spot dito sa Saipan. Kung titingnan mula sa itaas ay parang malaking butas ito sa lupa, sa ibaba naman ay isa itong malakatedral na uka ng lupa na mayroong nakulong na tubig na may lagusan sa ilalim ng lupa palabas sa ma lawak na karagatan.

Narito ang pinaka-hilagang parte ng Isla ng Saipan, kagaya ng sinabi ko noong nauna, dito makikita ang mga magaganda at makasaysayang tanawing pambato ng isla . Ang Laderan Banadero (Suicide Cliff). Ayon sa nakaraan, daan-daang sundalong Hapon ang nagpakamatay sa pamamagitan ng paghiyaw ng katagang “Banzai” at pagtalon mula 800 talampakang bangin na ito. Ang “banzai” ay isang katagang pakikisimpatiya upang ipanalangin na lalong humaba pa ang buhay ng kanilang Emperor na typical na maihahalintulad na “long live” sa wikang English o “Mabuhay” sa Pilipino. Sa kanilang paniniwala, mas nanaisin pa nilang mamatay ng mayroong dangal kaysa tanggapin ang pagkagapi at sumuko sa puwersang Amerikano noong World War II.

Sa isang banda, ang Puntan Sabaneta (Banzai Cliff) ay isa ding bangin na nakaharap sa malawak na asul na karagatan. Ang mga malalaking bato, malalim na bangin, at masungit na karagatan sa ibaba nito ay siya ring saksi sa malagim na naganap na kung saan ang mga sibilyang Hapones, mga kababaihan at mga anak nito ay nakuhang tumalon sa harapan ng mga sundalong Amerikano sa takot na silay patayin at lapastanganin. Matapos ang digmaan, ang mga kagamitang di na mapakikinabangan sa giyera ay itinapon dito na ngayon ay pinakikinabangan bilang “dive site” sa Marianas.

Northweastern Side

Pabalik at nasa kabilang parte ng Isla, ito ang makikita sa hilagang-kanluran ng Saipan, ang Wing Beach, Far East Network, Marianas Resort, Paupau Beach, La Fiesta at Nikko Hotel. Magmula sa lugar na ito, masisilayan ang mga village ang Marpi, As Matuis at Tanapag, dito rin nag-uumpisa ang Saipan Lagoon reef line na umaabot hanggang katimugang bahagi (south) na kabuuan ng isla na makikita sa kabuuan ng kuwento.











West

Sa kanlurang bahagi, ang pinakapaborito ko sa lahat, ang Isla ng Manahaga na kamakailan lamang ay nagtungo ako at gumawa ng kuwento para dito. Mapapansin din ang gitna ng Saipan, ang village ng Garapan na sentro ng turismo at kalakalan na nakaharap sa asul na karagatan sa loob ng lagoon abot tanaw ang isla ng Managaha.












Habang patuloy ang paglipad, nadaanan ang San Jose, Susupe, Chalan Kanoa, Chalan Piao at San Antonio, mga village na nakaharap sa lagoon at mga lugar na sumasakop sa kanlurang bahagi ng isla ng Saipan. Ang kanlurang bahagi ng Saipan ay nakapaharap sa malawak na Philippine Sea.











South

Sa katimugan, kung saan kami ay nagsimula, narito ang dulo ng San Antonio, dito rin nagwawakas ang reef line na makikita sa mga larawan. Makikita ang mga lugar ng Coral Ocean Point Golf Course, Koblerville, Voice of America, at Objan Point.












Matapos ang paglilibot sa himpapawid na inabot lamang ng halos 25 minuto, lumapag na payapa ang helicopter na aming sinakyan. Sa pagmumuni-muni, ngayon ko lang nasilayan ang buong isla ng Saipan mula sa itaas. Makalipas ang konting picture taking, kwentuhan at pasalamatan. Kasama ang dalawang turista, idinaan kami ni Noel patungo sa aming bahay.

Napag-alaman ko nasa halagang US$500 pala ang bayad para sa 30 nimutong biyahe na ito paikot sa Saipan. Marahil ay sulit naman ito sa saya na dulot ng bagong karanasan para sa mga turistang Instik at sa aming mag-ama, pero para sa mga kaibigan katulad ni Noel, hindi lahat ng bagay dito sa mundo ay may katumbas na halaga.

Sa pagbabalik-tanaw ng kamusmusan, noon ay napapatingala sa tuwing daraan ang maingay na saksakyang pang-himpapawid na ito. Naglalaro sa aking isip kung bakit ito nakalilipad at binabanggit ko sa aking sarili na balang araw, mararanasan ko rin na makasakay sa maingay na makinang lumilipad sa himpapawid.

At sa pagbabalik ng mga ala-ala, tila ito ang mga kasagutan ng mga pangarap na makasakay at maranasan ang ganito na sa isang iglap ay nagkaroon ng kasagutan sa tamang oras, at sa tamang lugar.

Ang pagdating ng oportunidad ay minsan lang dumarating ng hindi inaasahan, nasa ating papapasya kung nakahanda ba tayo na tanggapin ito at lasapin ang tamis ng bunga nito o kaya’y palampasin at ikulong na lamang sa pangarap at panaginip ang mga nais nating mangyari at marating.































3 comments:

insulare said...

wow! sarap sigurong sumakay ng helicopter. great opportunity to ride and sea the view from above. minsan nagagawa ko lang yun pag nasa eroplano pero ang nakikita mo kung ano lang yung madaanan. unlike ng trip nyo na talagang tahak yung gusto nyo.

.. said...

I used to ride choppers when i was Gordon's EA..grabe from manila to subic in 30 minutes. UN nga lang, never really got to relish the ride kasi i was always listening to instructions and briefings coming from my boss. But hey, the idea of a chopper ride is truly awesome.

Grabe, hindi ka na maabot krix..pangdagat ka na, panghimpapawid ka pa..ano na lang sasabihin ni dani carcido sa yo..hehehe

Anonymous said...

Thanks for visiting Tony. Take note, libre to'.

re: dani, he suddenly disappear. the last time I heard he went to Japan.