January 26, 2008

Managaha Island Adventure - Part 1

Maaga akong gumising para sa schedule ko sa kauna-unahang diving. Medyo hindi nga ako nakatulog ng husto dala na rin siguro ng sobrang excited para sa bagong karanasang gagawin. Ito ang unang serye ng dive training para sa Scuba Diver Course ng NAUI. Pagkatapos ng video presentation, pagbasa ng libro at actual na paliwag kung ano-ano ang mga kagamitang panisid, at ang importante sa lahat ang mga simpleng pamamaraan kung papaano maging ligtas ang pagsisid na pangunahing layunin ng grupong NAUI. Maituturing na masuwerte ang una kong dive dahil ito ay sa gagawin sa sikat na Isla ng Managaha. “Medyo malakas ang current ngayon” sabi ni Mr. Nato, ang aking Dive Instructor. Noong marinig ko iyon, nagkaroon ako ng kaunting pangamba at naglaro sa isip ko kung ano kaya ang mangyayari kapag naroon na kami sa ilalim ng dagat habang binabaybay ng speed boat and mala-asul na lagoon ng Saipan.

Panimula


Ang Northern Mariana Islands Chain ay binubuo ng 15 na isla na nakalatag sa kanlurang bahagi ng Pacific Ocean. Ang mga islang ito ay Uracas, Maug, Asuncion, Agrigan, Pagan, Guguan, Alamagan, Sarigan, Anatahan, Farallon De Mendenilla, Saipan (kapitolyo), Tinian, Aguigan, Rota at ang isla ng Managaha. Sa kasunduang nilagdaan sa pagitan ng Germany at Spain nong February 12, 1899, ang mga islang binubuo ng Marianas maliban sa Guam ay ipinagbili ng Spain sa Germany sa halagang 837,500 German Gold Mark (mga US $4,100,000) noon at binansagang German Protectorate of New Guinea, ang total ng populasyon ay mabibilang lamang sa 2,646, ang sampung isla na nasa parteng hilaga ay binubuo ng mga aktibong bulkan. Ang Japan, bilang miyembro ng Triple Entente, ay nagsimulang okupahan ang isla noong 1914. Makalipas ang pagkagapi ng Germany at nang lahat ng bumubuo ng Central Power noong World War I, ang dating German islands ay ipinagkatiwala sa League of Nations sa pangangalaga ng Japan.

Sa Managaha Island


Ang Managaha (pronounce as Manyagaha) ang pangunahing atraksyon dito sa Saipan at paboritong puntahan ng mga turistang galing Japan, Korea, China at Russia. Dapat sana’y matagal na naming ginawa ang unang serye ng pagsisid ngunit sa kadahilanang sunod-sunod na mga holiday nitong nakaraan (Thanksgiving, Pasko at Bagong Taon) at sa kagustuhang isama ang isang kaibigan intresado sa diving, hinikayat ko siyang gawin ito pagkatapos ng mga holidays at natapat pa sa panahon ng malakas na current. Napaaga ang dating namin sa isla, naabutang nagsisimula pa lamang maghanda ang mga staff doon para sa maghapong puno ng drama, action at sa pagdagsa ng mga bisitang turista. Inihanda ni Mr. Nato ang mga kagamitang gagamitin at tumulong na rin siya sa mga kasamahan sa paghahanda ng mga kasangkapan. Inayos niya na rin ang mga palutang at tsinek ulit ang current kung napapahon o hindi pa muna itutuloy ang pagsisid.

Alas 8:20 na nang umaga at habang naghihintay, naisipan kong kumuha ng mga larawan sa palibot ng isla. At dahil maganda ang sikat ng araw at nataon sa ideal na oras sa pagkuha ng larawan, nagpiyesta ang aking mata sa samu’t sari’ng subject sa paligid. “Ang tamang sikat ng araw sa umaga mula 7:30 hanggang 9:00 ang pinamagandang kumuha ng larawan” kung direct light ang gagamitin, ito ang natutunan ko ng kumuha ako ng crash course sa Photography sa Nayong Pilipino sa Maynila. Ang mga natutunan ko noon ay dala-dala ko hanggang sa ngayon at patuloy na linilinang sa tuwing kukuha ng mga litrato.

Sa Palibot

Maliit lamang ang isla, kaya itong libutin ito sa loob lamang ng sampung minuto o malamang hindi pa. Ito ay may sukat na 15 milya lamang, protektado ito ng CNMI at US Federal government para maging sanktuaryo ng mga ibong dayo at ibat-ibang isda at yamang dagat. Itinuturing na sagrado ang lugar na ito para sa mga Carolinians, isang sector ng katutubong bumub
uo ng CNMI. Napapalibutan ang isla ng puti at pinong buhangin at sapagkat nag-aanyaya ang buhanginan, sinimulan kong baybayin ang dalampasigan na nasa hilagang bahagi at naisipan kong kunan ng larawan ang aking mga bakas, sino ba naman ang hindi mabibighani sa linis at ganda ng islang ito. Naalala ko tuloy ang paborito kong kataga noong ako’y nasa Third Year High School pa lamang, “Ang paglalakbay ng libo-libong milya ay nagsisimula sa isang hakbang” sabi ni Mao Tse Tung. Kasalukuyan pa lamang nagliliwanag at mapapansin sa larawang ito ang anino ng kanlurang bahagi ng isla ng Saipan, ang kabisera ng Commonwealth of the Northern Mariana Island. Habang binabaybay ang kapaligiran, nagkaroon ako ng pagkakataong magmuni-muning mag-isa. Napakapasarap ng pakiramdam kapag ganito ang masisilayan mo sa umaga, sariwang hangin, payak na tanawin, tahimik na kapaligiran, walang sagabal.
Kung ang mga tao ay mayroong lugar sa isla, mayroon din namang nakalaan para sa mga ibang nilalang na umuukupa na katulad ng mga ibon. Ang parteng ito ay nakalaan para sa mga ibon na pinoproteksyunan ng US Fish and Wildlife. Bawal pumasok ang walang karapatan sa lugar na ito.
Nagsisimula pa lamang pumutok ang si
kat ng araw kung kaya’t minabuti ko na ring tuklasin ang ibat-ibang setting ng mga pagkuha mula sa aking digital camera na katulad nito.Salamat nalang at mayroon nito at hindi na mahal ang photography dahil kahit anong dami ng shots at subject, hindi magastos at maraming proseso'ng tulad ng dati. Ito naman ang tanawin patingala na para bang nakikikompetensiya ang mga tuyong sanga puno sa bughaw na kalangitan.

Sa dako pa roon, nakakalunos na tanawin ang tumambad sa bahaging ito ng isla. Kung iyong mapapansin sa mga larawang sumusunod, nagsisimulang kuhanin ng dagat ang bahaging ito ng isla. Tila baga pagpapatotoo ito sa issue ng “Global Warming”. Ang “global warming” ay ang pagtaas ng temperatura ng mundo mula sa normal. Kung patuloy na iinit at abnormal ang temperatura sa mundo, magkakaroon ng epekto ito sa mga pagbabago ng kapaligiran, maging maliit man o malaki. Isang halimbawa ang pagkatunaw ng mga niyebe o “yelo” sa Arctic Sea, idagdag pa natin dito ang Greenland Ice Sheet. Hindi ba’t pinangangambahan ng mga dalubhasa na ang Arctic Ocean ay maaaring maging “ice-free” sa taong 2015? Nakakatindig balahibo, pitong taon nalang mula ngayon. At kung patuloy na mangyayari ito, tataas ang level ng dagat, lalamunin ng tubig ang mabababang lugar na katulad nito.

Habang patuloy sa paglakad papuntang katimugan ng isla, bumulaga sa akin ang isang malaking kanyon. Hindi lamang pala sagrado ang lugar na ito ngunit isa ring pangunahing depensa noong panahon ng World War II, balikan natin kung ano ba ang kasaysayang nasa likod ng mga malalaking kanyon.

World War II

Ang isla ng Marianas ang mga saksi sa mainitang labanang puwersa sa pagitan ng Estados Unidos at Japan noong 1944 sa kasagsagan ng World War II. Nais ng Estados Unidos na makuha ang mga islang ito upang magamit na “bombing base” para i-raid ang bansang Japan. Ang kampanya sa Mariana at Palau Islands ay isang opensibang isinagawa ng Estado
s Unidos laban sa pwersa ng Imperial Japan sa gitna ng dagat Pacifico noong 1944. Sa pangununa ni Admiral Chester Nimitz, isinunod ang kampanya sa Gilbert at Marshall Islands na ang pangunahing intensiyon ay pahinain ang puwersa ng mga Hapon sa karagatang Pasipiko at suportahan ang mga kaalyadong bansa upang makuha ang bansang Pilipinas sa kamay ng mga Hapon. At nang maisakatuparan ito, ang mga isla ng Saipan at Tinian ay ginamit ng husto ng sandatahang lakas ng Estados Unidos para sa “pang-opensibang” layunin upang atakihin ang lupain ng mga Hapon. Ayon na rin sa kasaysayan, binuo ang sekretong misyon sa paliparan ng islang Tinian (North Field) na nasa katabing isla ng Saipan at abot tanaw lamang mula sa isla ng Managaha na aking kinatatayuan. Ang Enola Gay at ang Bockscar, mga pangalan ng eroplanong ginamit upang ihulog ang Atomic Bomb sa mga siyudad ng Hiroshima at Nagasaki na pumuksa sa libo-libong mamamayan ng Japan at sumira sa mga ari-arian na naging sanhi at nagpabilis sa pagsuko ng Japan at tanggapin ang pagkatalo sa digmaan. Nakakalungkot mang isipin ang mga naganap subalit ito ang mga kaganapan noon. Isa ang kanyon na ito sa mga natirang bakas ng digmaan na nagsisilbing piping saksi sa mga nakabibinging putukan at marahas na labanan ng nakalipas na digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at Japan.

Napaling ang aking paningin sa halamang namumukod-tangi ang pulang kulay laban sa berdeng paligid. Ang Gumamela (Hibiscus rosa-sinensis, China Rose). Simple, makulay, maganda. Ito ay tumutubo sa mga katamtamang temperature at tropical na lugar na tulad ng CNMI. Lumalago ito ng mula isa hanggang 4 na metro, karaniwang tanim ito sa mga kabahayan sa Pilipinas lalo na sa kanayunan. Lingid sa aking kaalaman, mainam din palang gamit ito bilang gamot sa mga karamdaman. Isang halimbawa ay magagamit itong pangtanggal ng plema, o dili kaya’y sa pamamaga ng sugat at panlaban sa impeksyon kung tama ang pamamaran ng paggamit. Gamit din panglanggas ang pinagkuluan ng dahon nito. Ginagawa na ring sangkap ng inumin ang bulaklak ng gumamela (kahalindulad ng tsaa). Naalala ko tuloy noong ako’y bata pa, dinidikdik namin ang dahon nito at inihahalo sa sabon para sa sa mas matagal, malalaki at maraming bula.
Tama namang naikot ko na ang buong isla nang tawagin ako ni Mr. Nato. Lusong na tayo!





4 comments:

insulare said...

wow! shades of blue. nice.

Kiericks said...

thank's for hopping....

Anonymous said...

Hi Kuya! Ang haba haba ng blog mo at grabe ang hirap basahin...purong tagalog! Ganon pala ilalim ng Managaha. Nice!Susubok din sana ako mag-dive when I first went to Saipan kaso its just me and the Dive Master. At saka knowing na andyan lang ang Marianas Trench eh nagdalawang isip muna ako! Maybe pag-nagbakasyon kayo dito sa Pinas dive tayo sa Batangas nina John and Jay. PADI naman kami and we got our license nung 1999. Medyo kinakalawang na nga diving skills namin dahil tagal na namin di nag d-dive. So I do hope pag-bakasyon mo may diving session tayo. Mas maganda sa Coron kuya. =)

Kiericks said...

Thanks Ms. Anonymous! How about shipwrecks in Subic? Para mas malapit. I heard the whole clan is heading for Romblon.

Regards to all nalang.